Tuesday, May 24, 2011

A Drummer's Tip

















13 years old ako nung una akong tumugtog ng drums para sa banda.  11 years old naman ako nag simulang mangarap na tumugtog ng tambol. Naalala ko pa nun, gamit ko lang ay stick ng bananacue at mga lata ng ice cream. Nung first time ko tumugtog, akala ko ganun lang kadali magdrums kasi kumpleto na ang gamit sa studio, drumstick lang ang kailangan mong dalhin para makatugtog at mga kabanda mo. Madalas din kami sumali sa mga high school battle of the bands at tumugtog sa mga parties, kadalasan ay kumpleto na ang drumset nun at maganda pa ang tunog. Pero nung nag college na ako, dun ko na experience na hindi pala ganun ka-dali maging drummer. Minsan nakatugtog kami sa isang bar, hindi ganun kaganda ang drumset at kulang kulang pa ang gamit. Dun ko nalaman na hindi pala ganoon kadali maging drummer dahil magastos pala ito at hindi biro. Ito ang mga natutunan ko sa loob ng 8 taon ko na pagtatambol.
  1. Una kong nalaman sa pagiging drummer ay ang pagseset-up ng drumset. Bago ka tumugtog, isipin mo muna kung saan magiging komportable yung pagpalo ng kamay at pagpadyak ng paa mo. Una mong tandaan na mahirap tumugtog kapag wala sa ayos yung kit mo. Halimbawa na lang sa mga bar gigs. Hindi lahat ng drummer sa gig na yun ay marunong o alam ang set-up ng kit nila. May mga drummer dun na kung ano na lang ang dinatnan nila, tutugtog agad sila. May iba naman na sobrang tagal mag set-up. Minsan yung ibang drummer gusto nila na mas mataas yung hats nila, mas mataas yung boom stand ng ride nila o mas mababa yung snare nila. Minsan kasi pag nasanay ka sa setup mo sa studio tapos biglang mag-iiba sa gig, baka iba din yung ma-palo mo o hindi mo alam kung ano yung papaluin mo. Bilang drummer ng banda, siguraduhin mong nasa tama ang ayos ng kit mo bago ka magsimulang humataw.
  2. Ngayon, ok na yung kit mo at handa ka ng pumalo pero napansin mo na parang tunog plastic yung snare mo at parang tunog tabo ang toms. Wala pala sa tono. Ang tangi mong kailangan ay isang drum key. Ano ang drum key? Yun yung parang screw na ginagamit sa pagtotono ng drum heads at pang sikip ng iba pang drum hardwares. Pero mas madalas itong ginagamit na pang tono. Pano mag tono? Gamit ang drum key, ipasok mo yun sa mga nakalawit na screw sa edge ng drum at iikot ng pa-clockwise. Sunod mong i-tono ang screw sa tapat ng nauna mong pinihit para hindi mabutas ang drum head. Parang pa-star yung direction. Pano malalaman na nasa tono na?  Palu-paluin mo yung side ng drumhead kung saan malapit yung mga screw. Kung magkakatunog na sila, nasa tono ka na. Ganun din ang gagawin sa toms at bass drums. Mahalaga din na nasa tono ang snare mo. Pangit naman kung tunog toms yung snare mo, para kang tumutugtog ng jungle drums pag ganun. Madali lang ang pag-tono ng snare, may bilog sa gilid ng snare drum, pihitin lang ng clockwise, wag masyadong mahigpit at wag masyadong maluwag para lumabas ang solid na tunog ng snare. Mas preferred nung iba na may ring yung snare nila o may sustain, yung iba naman mas gusto nila na muffled o di masyadong matagal yung tunog pagka-palo. Kung gusto mo i-muffle ang drums mo, pwede mo lagyan ng packaging tape (yung grey) yung gilid ng drumhead para maipon yung tunog at hindi kumalat. Pwede ka din bumili ng kinakabit na muffler sa snare drum kung gusto mong mas muffled ito. Sa bass drum naman, pwede mong lagyan ng unan o ng foam yung loob ng bass drum. Siguraduhin lang na hindi masyadong mabigat yung pagkakasandal sa batter side ng bass drum mo para lumabas ang tunog nito.
  3. Nasa tono na ang lahat. Napansin mo naman na may kagat at punit ang cymbals mo. Alam naman natin lahat na provided ng bar ang cymbals pero hindi lahat ng bar ay nagpapahiram ng maaayos na cymbals. May mga ibang bar na kong natugtugan na kailangan pang magdala ng sariling cymbals. Alam kong hindi ganun kayaman lahat ng musikero lalo na yung mga nagsisimula pa lang pero mas maganda na simulan na magpundar ng gamit. Ang presyo ng ibang cymbals ay minsan mas mahal pa sa isang mumurahing drumset. Nasa sa iyo din yun kung anong klase at tatak ang gusto mo, depende na din sa tugtugan nyo o pandinig ng drummer. Kung murang cymbals ang hanap mo, meron sa website na PhiMusic.com na mga nagbebenta ng mga brand new o used na cymbals. Meron din sa RAON sa Quiapo. Kung beginner ka pa lang at nagtitipid, pwede na siguro yung Zildjian Planet Z o Sabian Solar. Kung hard hitter ka naman, ang dapat sayo ay Zildjian A Custom, Paiste Alpha o Sabial AAX series. Kung nagtitipid ka at gusto ng magandang tunog, pwede na ang Stagg o Wuhan cymbals. Kung mayaman ka naman at gusto ng high end na cymbals, bagay sayo yung Zildjian K Custom, Sabian AA or Meinl Soundcaster. Depende din naman sa taste mo kung ano ang gusto ng tenga mo at swak sa budget mo. At ugaliin din ingatan ang cymbals. Bumili ng padded cymbal bag o mas mainam na bumili ng hard case. Isa pang pag iingat sa mga cymbals ay ang pagbili ng felt sleeve na ikakabit sa cymbal stand. Yun yung parang foam kung saan mo ipapatong yung cymbals mo. Kapag kasi walang felt sleeve, pwedeng magkaron ng keyhole yung cymbals mo o mag-crack yung gitnang part nito. Kung hindi naman maiwasan na magkaroon ng crack ang cymbals, pwede itong ipa-resize o ipa-hinang sa mga machine shop. Tatanggalin lang nila yung crack para hindi na ito lumaki, ang kilalang cymbal resizer sa PhilMusic at si sir DABOMB.
  4. Ok na ang lahat. Set-up, tono at cymblals. Ngayon, habang tumutugtog ka ay napapansin mo na biglang bumagsak ang isa sa cymbal stand mo. Sira pala ang lock nito. Isa ko pang natutunan bilang drummer ay ang mga hardware ng drumset. Hindi ka makakatugtog ng maayos kung sira ang throne mo o gumagalaw yung isang paa ng floor tom o usog ng usog yung boom stand mo. Kailangan din pala na ma-maintain mo kung ano yung set-up mo. Kasi mahirap na habang tumutugtug ka, biglang masira yung isang paa ng throne mo, pwede kang mahulog at pagtawanan ng mga tao hahahaha! Halimbawa ng gears ng isang drumkit ay ang stands. Cymbal stands, snare stands, hihat stands at throne. Minsan may mga drummer na naglalagay ng boom arm sa cymbals nila para makatipid sa stand. Yun yung pa hugis-L na kinakabit gamit ang cymbal clamp sa rod ng cymbal. Yung ibang drummers naman, mas pinipili nilang nakahiwalay yung tom kaya nagdadala sila ng tom stands. Kung ayaw mo naman ng madaming stand, pwede kang gumamit ng rack system para boom arms nalang ang ikakabit mo. Ano ang rack system? Ikumpara mo yung drumset ni Chris Adler at Mike Portnoy sa drumset ni Lars Ulrich at Dave Lombardo.  Importanteng hardware din ang bass drum pedal. Hindi mo mapapatunog yung bass drum kung wala kang pedal. Kadalasang sira nito ay ang mga spring o yung chain. May ibang drum pedals na strap at hindi chain ang ginagamit, yung iba naman ay direct drive. May ibang drummers kagaya ko na gumagamit ng double bass pedals para sa mabibigat na tugtugin. Mahalaga din ang pagpili ng beater ng bass drum. Kadalasan ang beater ng bass drum at felt o yung parang matigas na tela pero meron din naman na kahoy o plastic ang dulo ng beater para sa solid na hataw nito sa bass drum. Wag din kalimutan ang bass drum spurs o yung paa ng bass drum. Hindi ka makakatugtog ng maayos kapag gumugulong yung bass drum mo.
  5. Ang isa pang importante sa pagiging drummer ay ang pagpili ng drum skin. Pano kung may tambol ka nga pero wala ka naman papaluin na skin kasi butas o may scotch tape? Importante din sa magandang tugtugan ang pagpili ng magandang drum heads o drum skin. Madaming klase ng heads, meron clear, merong coated ng puti o itim at meron naman na may bilog sa gitna. Ang pagpili ng drum heads ay parang pagpili din ng cymbals. Kung hard hitter ka, coated heads ang dapat sayo. Kung sa mga jazz o practice kits, mas preferred ng iba ang clear. Maganda din ang stock drum heads ng mga mumurahing drumset basta nasa tono. Tandaan din na dapat ingatan ang drumhead dahil may kamahalan ito. Ang alam kong pinakamurang drumhead ay nagkakahalaga ng 400pesos at ang pinakamahal naman ay 1000pesos pataas. Kung pag iingat ng bass drumhead, may nabibiling mga patch para sa bass drum lalo na sa mga hard hitters o yung gumagamit ng double bass pedals.
  6. Tips. Sa pagpili naman ng brand na bibilhin. Mas mainam bumili ng medyo high end na gamit o yung mura pero maganda ang quality. Para sa akin, ang pinaka high end quality na cymbals ay ang Zildjian A o K Custom, Sabian AA or AAX series at Meinl MB20 o Soundcaster series. Kung nagtitipid naman pero hanap mo ang magandang quality at tunog, pwede na ang Stagg DH or SH series, Sabian B8, Zildjian ZBT o ZHT at Meinl HCS. Kung beginner at pang bahay lang, pwede na yung Zildjian Planet Z o Sabian Solar, pero maganda din ang quality nito, hindi nga lang pang matagalan pag di naingatan. Sa hardware naman, maraming magagandang stand ang tinitinda sa raon, pero kung gusto mo na medyo matibay, bumili ng Gibraltar o Pearl hardware. Sa drumheads naman, pwede kong ma-suggest yung Remo Ambassador o Remo na Fernando. Maganda din ang tunog ng Evans C2 Clear at ng Aquarian heads. Sa pagpili ng drums, minsan hindi din nagkakalayo yung tunog nito bawat brand. Minsan mas magandang pumili ng mas magandang kahoy para sa drumset mo. Gawa din sa iba’t-ibang klase ng kahoy ang drumshells. May gawa sa plywood, yung pinakamura, may gawa sa birch, mahogany, oak, maple at bubinga. Depende na din sa tunog na gusto mo ang pagpili ng shells. Sa drumsticks naman, kung nagtitipid ay pwede na yung generic sticks ng Lazer. Kung medyo may pera, pwede mo din subukan yung Fernando sticks. At kung mayaman ka, may mga mamahalin na sticks na hindi madaling maputol kagaya ng Zildjian, Vic Firth, Pro-Mark at Vater. May mga nabibili din mga drumstick holders kung ayaw mong matalsikan ng drumsticks at pulitin pa to habang tumutugtog.
Ang inyong mga nabasa ay pawang mga opinyon lang at mga natutunan ko din sa tagal kong tumutugtog at sa tips na din ng ibang drummers. Happy drumming!

No comments:

Post a Comment

Indie Band News
If you have news and anything about your band, please post it here. If you want your demos/EP/album reviewed, holler at us! Anything about the underground scene.

Let's support each other and keep the industry alive. :) ask us anything at FormSpring

View Complete Profile